Translate

Showing posts with label Pre-colonial Philippines. Show all posts
Showing posts with label Pre-colonial Philippines. Show all posts

Monday, January 5, 2015

Ang Mga Banga ni "Luzon"

Alam niyo ba na may isang Hapones noong unang panahon na naging sikat dahil sa mga banga na galing sa isla ng Luzon?


Noong panahon ng Kaharian ng Tondo at ng Ming Dynasty, bago pa man dumating ang mga Kastila sa isla ng Luzon, malayang nagnenegosyo ang mga sinaunang Tsino at ang mga taga-Tondo. Sa mga panahon ding ito nagmula ang mga unang Tsino na nanirahan sa Luzon. Dahil sa magandang relasyon ng Kaharian ng Tondo at ng imperyo ng Ming Dynasty sa kalakalan, naging sentro ang buong Luzon, lalo na ang Kaharian ng Tondo, ng kalakalan at komersiyo sa buong Timog Silangang Asya. Sa katunayan, mas maganda pa ang relasyon ng Kaharian ng Tondo sa imperyo ng China kumpara sa relasyon ng China sa imperyo ng Japan. Ang mga mangangalakal ng Tondo ay pinapayagang makipagkalakalan sa mga Tsino isang beses kada dalawang taon, habang ang mga mangangalakal ng Japan ay pinapayagan lamang makipagkalakalan sa mga Tsino isang beses kada sampung taon.

Dahil sa malaking pagkakaiba ng relasyon ng mga mangangalakal na Tsino sa mga Hapones at sa mga taga-Tondo, madalas na nagiging marahas ang mga Hapon. Sila ay madalas na namimirata sa mga barkong Tsino patungong Luzon, o di kaya'y lumusob at magnakaw sa mga tindahan sa Tondo. May ibang Hapones naman na pinili ang maayos na pakikipagkalakalan lalong-lalo na sa industriya ng tsaa. At isa sa mga Hapones na ito ay si Luzon (o Ruson) Sukezaemon.

Si Luzon Sukezaemon ay isang mangangalakal mula sa Sakai, Osaka, Japan. Ang tunay niyang pangalan ay Naya Sukazaemon, pinalitan niya ang kanyang pangalan noong 1593 (o 1594) matapos ang isang matagumpay na pangangalakal sa isla ng Luzon. Siya ay yumaman sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga mamahaling banga. Ang mga bangang ito ay binabalutan ng mga sutla at ang iba ay may mga nakasulat na tula.

Marami siyang naging suki, lalo na ang mga mayayaman at makapangyarihan sa Japan. Namuhay siyang marangya nang maraming taon dahil dito. Ngunit kahit naging maganda ang takbo ng negosyo ni Sukezaemon, hindi lahat ng kanyang naging customer ay natutuwa sa kanya. Naging suki niya ang isang daimyo, si Toyotomi Hideyoshi. Ang daimyo ay isang taong namumuno sa isang partikular na teritoryo sa bansang Japan. Noong mga panahon na iyon, itinuturing si Hideyoshi bilang pinakamalakas na daimyo, at maaring siya rin ang tinuturing na pinuno ng buong Japan. Maayos naman sa simula ang mga transaksyon ni Sukezaemon at Hideyoshi. Ngunit di kalaunan, naging mapait ang kanilang pagkakalakalan.
Ang monumento ni Luzon Sukezaemon

Si Sukezaemon ay isa sa mga tanyag na miyembro ng angkan ng mga Nayashu, kabilang sina Sen Rikyu at Imai Sokyu, mga tanyag na masters of tea ceremony. Binentahan ni Sukezaemon si Hideyoshi ng kanyang nga mamahaling produkto. Ang mga ito ay dinala ni Hideyoshi sa palasyo ng Nishinomaru sa kastilyo ng Osaka at nalaman ito ng iba pang mga pinuno. Dahil doon, dumami ang mga customer ni Sukezaemon. Sumikat si Luzon Sukezaemon sa buong Japan at yumaman. Namuhay siyang parang isang daimyo na din - may sariling mga tauhan at malaking bahay. Hindi ito nagustuhan ni Hideyoshi at siya'y pinarusahan. Inakusahan ni Hideyoshi si Sukezaemon ng mga krimen na hindi niya ginawa, at siya'y napilitang tumakas. Isa-isang kinamkam ni Hideyoshi ang kanyang mga ari-arian. Ang bahay ni Sukezaemon ay hindi nakuha ni Hideyoshi sapagkat bago pa siya umalis, ito ay naibigay na niya sa templo ng Daian-ji. Si Sukezaemon ay muling nagbalik sa isla ng Luzon. Sa galit ni Hideyoshi, bilang isang diktador, pinarusahan din niya ang miyembro ng Nayashu na si Sen Rikyu.

Wala nang masyadong nakakaalam sa kung ano ang totoong nangyari kay Sukezaemon sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas. May mga nagsasabing nagsama siya ng humigit kumulang na 100 tauhan niya upang umatake sa Kaharian ng Maynila, na nakakasakop na din sa Tondo noong panahon na yun. May mga nagsasabi naman na siya ay nakipagalyansa sa isang pirata na nagngangalang Tai Fusa, na umaatake din noon sa Kaharian ng Maynila. At may nagsasabi din namang siya'y namuhay na lang ng simple sa isla ng Luzon, hanggang sa nasakop na ang buong isla ng Espanya. Ang sigurado lang na nangyari sa kanya matapos ang kanyang pagbabalik sa isla ng Luzon, hindi na siya muling naging matagumpay na mangangalakal at siya'y muling umalis at nanirahan na lang sa Cambodia. Siya'y muling nag-negosyo ngunit hindi na siya muli pang bumalik sa Japan o sa isla ng Luzon.

Ano ang nangyari sa mga banga ni Luzon?

Ang mga ito ngayon ay matatagpuan sa Japan at itinuturing na mga meibutsu, o mga mahahalagang bagay ng kultura at kasaysayan. Noong 1954, naibenta ang 7 banga sa halaga ng mahigit kumulang 2 kilong ginto. Ang mga banga ni Luzon ay binigyan din ng mga magagarang pangalan, gaya ng banga na pagmamay-ari ni Hideyoshi, ang Shoka o Pine Blossom. Ang iba pang tanyag na banga ni Luzon na pinangalanan ay ang Renge-O, dahil sa mga nakasulat na O (hari) at Renge (lotus), ang Seiko o Pure Perfume, at ang Dai Roin o Great Luzon.

Saturday, March 30, 2013

Ang Yo-yo ni Pedro

Alam niyo ba na ang yo-yo ay unang pinasikat ng isang Pinoy?

Pedro Flores, ang unang yo-yo maker ng Amerika

Si Pedro Flores, tubong Vintar, Ilocos Norte, ay pumunta sa Amerika noong 1915. Siya ay nag-aral sa High School of Commerce sa San Francisco, California at tuluyang nag-aral ng abogasya sa University of California, Berkeley at sa Hastings College of Law sa San Francisco. Ngunit hindi naging madali ang buhay estudyante ni Pedro. Kinailangan niyang ipagpaliban ang kanyang pag-aaral at lumipat ng tirahan sa Santa Barbara, California. Doon, iba-iba ang naging trabaho ni Pedro. Habang nagtatrabaho bilang isang bell boy sa isang hotel, nabasa niya sa isang artikulo sa diyaryo kung paano napayaman ng isang tao ang kanyang sarili sa paggawa ng laruan. Dahil sa nabasa, nagkaroon ng inspirasyon si Pedro upang ipakilala sa Amerika ang isang katutubong laruan ng Pilipinas, ang yo-yo.

Taong 1928, sinimulan ni Pedro ang negosyo sa yo-yo ang nakapagpatayo siya ng pagawaan nito. Tinawag ang pagawaan na ito bilang Yo-yo Manufacturing Company at ito ay matatagpuan sa Santa Barbara. Siya ang unang tao na nag-mass produce ng mga yo-yo upang gawing negosyo. Mahigit 100,000 na yo-yo ang kanyang ginawa. Sa katunayan, matagal nang may yo-yo sa Amerika. Ito ay dinala ng mga taga-Britanya 50 taon bago itatag ni Pedro ang kanyang pagawaan. Bandalore ang tawag ng mga Amerikano at ng mga taga-Britanya, ngunit si Pedro ang nagpakilala sa laruang ito bilang yo-yo, na hango sa isang lumang salitang Tagalog na ang ibig sabihin ay "bumalik".

Ang yo-yo ni Pedro

Sa pagitan ng mga taong 1930 hanggang 1932, binenta niya ang kanyang pagawaan ng yo-yo sa isang Amerikanong negosyanteng nagngangalang Donald F. Duncan Sr., sa halagaang $250,000. Napakalaking halaga na ito noong panahon na iyon, sapagkat yun ang panahong tinaguriang Great Depression sa kasaysayan ng Amerika. Pinalitan ni Duncan Sr. ang pangalan ng kompanya ni Pedro bilang Donald Duncan Yo-yo Company. Binenta ni Pedro ang kanyang pagawaan ng yo-yo sapagkat, ayon sa kanya, mas interesado siyang magturo sa mga kabataan kung paano maglaro ng yo-yo kaysa sa paggawa nito. Kung kaya siya rin ang nagpasimuno ng mga paligsahan sa yo-yo. 

Taong 1931, lumibot si Pedro sa iba't ibang siyudad upang maipakilala ang yo-yo sa pamamagitan ng mga patimpalak. Makalipas ang dalawang taon, pinagpatuloy ni Duncan Sr. ang mga paligsahan sa yo-yo, ngunit ito ay may malaking pagbabago sa larangan ng paglalaro ng yo-yo. Kinakailangang may maipakitang trick o exhibition ang mga sasali sa patimpalak ni Duncan Sr. Kaya hanggang ngayon, ang mga patimpalak sa yo-yo ay hinahatulan sa pamamagitan ng pagandahan at paramihan ng mga trick sa yo-yo. Marami pang naiambag si Duncan Sr. sa kasaysayan ng yo-yo maliban sa paligsahan gaya ng mga makabagong disenyo at tali. Sa katunayan, si Duncan Sr. ang nagpasikat ng laruang yo-yo sa buong mundo.

Kahit na ibinenta ni Pedro ang kanyang pagawaan ng yo-yo kay Duncan, hindi pa rin siya lumayo sa pagyo-yoyo. Nagtatag pa siya muli ng isang pagawaan ng yo-yo, ang Bandalore Company. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdigan, tinulungan naman niya ang isang kababayang Pilipino, si Joe Radovan, na magtatag din ng isang pagawaan ng yo-yo sa Amerika, ang Chico Yo-yo Company. Taong 1954, itinatag naman niya ang Flores Corp. of America na sinubukan ding gumawa ng mga yo-yo noong dekada 50.

Sa loob ng madaming taon, nakabenta ang Duncan Yo-yo Company ng mahigit 45 milyong piraso ng yo-yo. Yun nga lang, taong 1962 ay nagsara na ito dahil sa pagtaas ng mga gastusin ng kompanya. Binili ng Flambeau Plastic Company ang lahat ng karapatan, kasama na ang pangalan ng kompanya ni Duncan Sr. Di kalaunan, gumawa ang Flambeau Plastic Company ng mga yo-yo na gawa sa plastik. Hanggang ngayon, karamihan sa mga makabagong yo-yo ay yari sa plastik.

Madalas na sinasabing si Pedro ang naka-imbento ng yo-yo. Sa katunayan, siya ang orihinal na may-ari ng patent sa mga yo-yo. Ngunit, sa kanyang kababang-loob, ni minsan, hindi niya inako ang karangalang ito. Palagi niyang pinagmamalaki na ang yo-yo ay isang katutubong laruan sa kanyang lupang pinagmulan, ang Pilipinas.

Wala talagang nakakaalam kung sino ang tunay na naka-imbento ng yo-yo o kung saan ito nagmula. Ang yo-yo ay tinaguriang pangalawang pinaka-lumang laruan, sunod lamang sa manika. Sa mga hukay sa Mediterranean, natagpuan ng mga archaeologists ang mga sinuanang yo-yo ng Gresya na gawa sa tanso at terracotta. Ang mga yo-yo nagmula sa sinaunang Gresya ay may mga palamuti ng mga mukha ng kanilang diyos. Ito ay sapagkat kapag ang sinaunang batang Griyego ay magbibinata na, lahat ng kanyang laruan, kasama ang yo-yo, ay iniaalay sa altar ng kanilang pamilya. Ang yo-yo naman na matatagpuan sa Metropolitan Museum of Art sa New York ay pinaniniwalaang nagmula sa pagitan ng mga taong 460 hanggang 450 B.C. Kahit sa mga lumang paso na nagmula pa sa taong 440 B.C., nakadisenyo doon ang mga batang naglalaro ng yo-yo. Noong mga panahong 1800, nakarating mula sa Asya papuntang Europa ang yo-yo. Tinawag ito ng mga taga-Britanya bilang bandalore, quiz at Prince of Wales toy. Tinawag naman itong incroyable at l'emigrette ng mga Pranses. Ngunit sa Pilipinas, bago pa ito gawing laruan, ito ay ginamit na bilang sandata. Sa loob ng mahigit 400 taon, ginamit ng mga mandirigmang Pilipino laban sa mga tulisan at mananakop ang yo-yo. Ginagamit din ito sa pangangaso. Ang kaibahan sa disenyo ng laruang yo-yo sa sandatang yo-yo ay ang mga matutulis na dulo nito na pwedeng makahati o makasugat sa matatamaan nito.

Ngayon, ang pinakabagong karangalan ng yo-yo ni Pedro, ay hirangin bilang unang laruan na nakarating sa kalawakan.