Translate

Saturday, March 16, 2013

Ang mga Barko ng US Navy Pinoy Style


Alam niyo ba na may mga barko ang US Navy na ang pangalan ay ibinase sa iba't ibang makasaysayang lugar, tao, pangyayari at salitang Filipino?

Mahigit sa apatnapung barko ng US Navy ang Pinoy na Pinoy ang dating. Hindi kataka-taka na ipangalan ng bansang Amerika sa kanyang mga barkong pandigma ang maraming bagay na maaaring maiugnay sa Pilipinas at sa lahing Pilipino. Eto ay dahil sa malalim na samahan at kasaysayan ng mga bansang Amerika at Pilipinas mula pa noong panahon ng mga Kastila.

Ang ilan sa pangalan ng barko ng US Navy ay may halong leksyon sa kasaysayan ng Pilipinas gaya ng USS Paragua (1888), isang gun boat na pinangalan sa dating pangalan ng isla ng Palawan. Maliban sa pangalan, ito ay talagang nakaukit sa kasaysayan ng Pilipinas sapagkat ito ay orihinal na nanilbihan sa Spanish Pacific Fleet, ginamit sa Digmaang Espanya-Amerika bago ito ipinagbili sa US Navy. Sa paninilbihan ng Paragua sa US Navy, ito naman ay ginamit ng mga Amerikano laban sa mga gerilyang Pilipino sa mga probinsya ng Masbate, Pangasinan, Jolo at Sulu. Maliban sa pakikipaglaban sa mga rebelde, ginamit din ang Paragua laban sa mga pirata ng Iloilo, Guimaras, Negros, Romblon at Cotabato.



Ang isa pang makasaysayang pangalan ng barko ng US Navy ay ang USS Rizal (DD-174), na pinangalan sa ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Ito ay isang Wickes-class destroyer minelayer, at ginamit noong Unang Digmaang Pandaigdigan. Unang dumating sa Pilipinas ang Rizal noong ika-1 ng Mayo, 1920 upang sumali sa Mine Detachment Division ng Asiatic Fleet. Karamihan sa mga tripolante ng Rizal ay mga Pilipino. At dahil ito ay kasali sa Asiatic Fleet ng US Navy sa loob ng sampung taon, ito ay madalas na lumalayag papunta sa iba't ibang daungan sa Asya at Dagat Pasipiko maliban sa Pilipinas gaya ng Shanghai at Hong Kong sa China, Guam sa Dagat Pasipiko at Yokohama sa Japan. Tuwing panahon ng taglamig, ang Rizal ay madalas na nakadaong sa mga Look ng Maynila at ng Olongapo.

Maliban sa mga makasaysayang mga  pangalan, may isa ding barko ang US Navy na ipinangalan sa isang salitang Tagalog, ang USS Banaag (YT-104). Ito ay isa ring makasaysayang barko ng US Navy na nakadaong sa Olongapo Naval Station mula pa noong 1911. Sa kasamaang palad, ito ay winasak ng mga Hapones noong 1941, araw ng Pasko. Ngunit bago pa ito madamay sa pagbobomba ng mga Hapones sa Olongapo, nailikas na ang baril nito at nilagay sa Shanghai upang gawing kanyon.

Maliban sa mga unang nabanggit, ang mga sumusunod ay ang iba pang mga barko na ipinangalan sa iba't ibang aspetong Pinoy:

Mga Pinangalan sa Digmaan
  • USS Leyte Gulf (CG-55) - ipinangalan sa Battle of Leyte Gulf, na naganap noong ika-23 hanggang 26 ng Oktubre, 1944.
  • USS Philippine Sea (CG-58 at CV-47) - ipinangalan sa Battle of the Philippine Sea, na naganap noong ika-19 hanggang 20 ng Hunyo, 1944.
  • USS Corregidor (CVE-58) - ipinangalan sa Battle of Corregidor, na naganap noong ika-5 hanggang 6 ng Mayo, 1942.
  • USS Leyte (CV-32) - ipinangalan din sa Battle of Leyte Gulf.
  • USS Manila Bay (CVE-61) - ipinangalan sa Battle of Manila Bay, na naganap noong ika-1 ng Mayo, 1898.
  • USS Mindoro (CVE-120) - ipinangalan sa Battle of Mindoro, na naganap noong ika-13 hanggang 16 ng Disyembre, 1944.
  • USS Lingayen (CVE-126) - ipinangalan sa Invasion of Lingayen Gulf, na naganap noong ika-6 hanggang 9 ng Enero, 1945.
  • USS Bataan (LHD-5 at CVL-29) - ipinangalan sa Defense of the Bataan Peninsula, na naganap noong ika-7 ng Enero hanggang ika-9 ng Abril, 1942.



Mga Pinangalan sa Ilog
  • USS Pasig (AO-89 at AW-3) - ipinangalan sa Pasig River na matatagpuan sa Kalakhang Maynila.
  • USS Abatan (AW-4) - ipinangalan sa Abatan River na matatagpuan sa Bohol.

Mga Pinangalan sa Isla
  • USS Camanga (AG-42) - ipinangalan sa Camanga Island na matatagpuan sa Coron, Palawan.
  • USS Majaba (AG-43) - ipinangalan sa Majaba Island na matatagpuan sa Catbalogan, Samar.
  • USS Malanao (AG-44) - ipinangalan sa Malanao Island na matatagpuan sa Aborlan, Palawan.
  • USS Taganak (AG-45) - ipinangalan sa Taganak Island na matatagpuan sa Turtle Islands, Tawi-Tawi.
  • USS Tuluran (AG-46) - ipinangalan sa Tuluran Island na matatagpuan sa Taytay, Palawan.
  • USS Burias (AG-69) - ipinangalan sa Burias Island na matatagpuan sa Masbate.
  • USS Luzon (ARG-2 at PG-47) - ipinangalan sa isla ng Luzon.
  • USS Mindanao (ARG-3 at PR-8) - ipinangalan sa isla ng Mindanao.
  • USS Dumaran (ARG-14) - ipinangalan sa Dumaran Island na matatagpuan sa Palawan.
  • USS Panay (PR-5) - ipinangalan sa Panay Island na matatagpuan sa rehiyon ng Western Visayas.
  • USS Calamianes (1899) - ipinangalan sa arkipelago ng Calamianes na matatagpuan sa Palawan. Ang arkipelago ay binubuo ng mga isla ng Busuanga, Coron, Culion, Calauit, Malcapuya, Banana, Pass, Calumbuyan at iba pang mga maliliit na isla.

Mga Pinangalan sa mga Bayan at mga Probinsya
  • USS Basilan (AG-68) - ipinangalan sa Basilan na matatagpuan sa rehiyon ng ARMM.
  • USS Cebu (ARG-6) - ipinangalan sa Cebu na matatagpuan sa rehiyon ng Central Visayas.
  • USS Leyte (ARG-8) - ipinangalan sa Leyte na matatagpuan sa rehiyon ng Eastern Visayas.
  • USS Palawan (ARG-10) - ipinangalan sa Palawan na matatagpuan sa rehiyon ng MIMAROPA.
  • USS Samar (ARG-11 at PG-41) - ipinangalan sa Samar na matatagpuan sa rehiyon ng Eastern Visayas.
  • USS Masbate (ARG-15) - ipinangalan sa Masbate na matatagpuan sa rehiyon ng Bicol.
  • USS Pampanga (PG-39) - ipinangalan sa Pampanga sa rehiyon ng Central Luzon.
  • USS Albay (1886) - ipinangalan sa Albay na matatagpuan sa rehiyon ng Bicol.
  • USS Arayat (IX-134) - ipinangalan sa bayan ng Arayat na matatagpuan sa Pampanga sa rehiyon ng Central Luzon.
  • USS Mariveles (IX-197) - ipinangalan sa bayan ng Mariveles na matatagpuan sa Bataan sa rehiyon ng Central Luzon.
  • USS Balanga (YT-103) - ipinangalan sa bayan ng Balanga na matatagpuan sa Bataan sa rehiyon ng Central Luzon.

May isang barkong tinawag na USS Philippines (CB-4) ngunit ang paggawa ng barkong ito ay nakansela at hindi na naisakatuparan pa.

No comments:

Post a Comment