Alam niyo ba na isa sa mga pangunahing bida ng Star Trek ay ipinangalan sa Sulu Sea?
Si Hikaru Sulu ay "ipinanganak" sa San Francisco, California "noong" June 24, 2230. Sinasabing siya ay may lahing Hapones at unang nagsilbi bilang third officer at senior helmsman sa USS Enterprise at sa USS Enterprise-A na may ranggong tenyente o lieutenant. Siya ay na-promote bilang lieutenant commander at hindi katagalan ay naging commander din. Na-promote muli siya at naging kapitan o captain ng USS Excelsior.
Ang unang gumanap bilang Hikaru Sulu ay ang aktor na si George Takei. Ayon kay Takei, ang apelyidong Sulu ay hinango mula sa Sulu Sea. Ito ay hinango ni Gene Rodenberry, ang lumikha ng Star Trek, sa Sulu Sea upang kumatawan sa lahat ng mga Asyano. Ayon kay Takei, ayaw ni Rodenberry na kumuha ng isang apelyidong partikular sa isang bansa sa Asya. Gusto niya kasing mailarawan ni Hikaru Sulu ang mga Asyano sa Star Trek. Kaya, kinuha ni Rodenberry ang isang mapa at doon niya nakita ang Dagat ng Sulu, sa paniniwalang lahat ng pampang nito ay nakadikit sa lahat o sa karamihan ng bansa sa Asya.
Ang rebelasyong ito ni Takei ay bunga dahil sa pagkabahala ng direktor ng bagong pelikula ng Star Trek na si JJ Abrams na ilagay si John Cho, isang Korean-American na artista, at gumanap bilang isang Hapones. At dahil sa pagtitiyak ni Takei, si Cho na ang bagong artista na gumanap bilang si Hikaru Sulu sa mga bagong pelikula ng Star Trek, noong 2009 at ang Star Trek Into Darkness ng 2013.
Ang Dagat ng Sulu ay matatagpuan sa timog kanlurang bahagi ng Pilipinas, na napapaligiran ng probinsya ng Palawan sa hilagang kanluran, rehiyon ng Visayas sa hilagang silangan, probinsya ng Sulu sa timog silangan at isla ng Borneo sa timog kanluran.
Maliban sa Dagat ng Sulu, isa pang dagat ng Pilipinas ang ginamit bilang pangalan sa Star Trek universe. Ang Golpo ng Leyte ay ginamit din sa prangkisa ng Star Trek bilang pangalan ng isa sa mga Starfleet ship nito, ang USS Leyte Gulf (NCC-71427), Akira class, na pinamumunuan ni Capt. Aaron Juraj sa Star Trek: Away Team, isang laro na hinango sa Star Trek. Sa istorya, ang USS Leyte Gulf ang unang Starfleet ship na naimpeksyon ng mga Nanites, mga maliliit na robot.
No comments:
Post a Comment