Translate

Saturday, March 30, 2013

Ang Yo-yo ni Pedro

Alam niyo ba na ang yo-yo ay unang pinasikat ng isang Pinoy?

Pedro Flores, ang unang yo-yo maker ng Amerika

Si Pedro Flores, tubong Vintar, Ilocos Norte, ay pumunta sa Amerika noong 1915. Siya ay nag-aral sa High School of Commerce sa San Francisco, California at tuluyang nag-aral ng abogasya sa University of California, Berkeley at sa Hastings College of Law sa San Francisco. Ngunit hindi naging madali ang buhay estudyante ni Pedro. Kinailangan niyang ipagpaliban ang kanyang pag-aaral at lumipat ng tirahan sa Santa Barbara, California. Doon, iba-iba ang naging trabaho ni Pedro. Habang nagtatrabaho bilang isang bell boy sa isang hotel, nabasa niya sa isang artikulo sa diyaryo kung paano napayaman ng isang tao ang kanyang sarili sa paggawa ng laruan. Dahil sa nabasa, nagkaroon ng inspirasyon si Pedro upang ipakilala sa Amerika ang isang katutubong laruan ng Pilipinas, ang yo-yo.

Taong 1928, sinimulan ni Pedro ang negosyo sa yo-yo ang nakapagpatayo siya ng pagawaan nito. Tinawag ang pagawaan na ito bilang Yo-yo Manufacturing Company at ito ay matatagpuan sa Santa Barbara. Siya ang unang tao na nag-mass produce ng mga yo-yo upang gawing negosyo. Mahigit 100,000 na yo-yo ang kanyang ginawa. Sa katunayan, matagal nang may yo-yo sa Amerika. Ito ay dinala ng mga taga-Britanya 50 taon bago itatag ni Pedro ang kanyang pagawaan. Bandalore ang tawag ng mga Amerikano at ng mga taga-Britanya, ngunit si Pedro ang nagpakilala sa laruang ito bilang yo-yo, na hango sa isang lumang salitang Tagalog na ang ibig sabihin ay "bumalik".

Ang yo-yo ni Pedro

Sa pagitan ng mga taong 1930 hanggang 1932, binenta niya ang kanyang pagawaan ng yo-yo sa isang Amerikanong negosyanteng nagngangalang Donald F. Duncan Sr., sa halagaang $250,000. Napakalaking halaga na ito noong panahon na iyon, sapagkat yun ang panahong tinaguriang Great Depression sa kasaysayan ng Amerika. Pinalitan ni Duncan Sr. ang pangalan ng kompanya ni Pedro bilang Donald Duncan Yo-yo Company. Binenta ni Pedro ang kanyang pagawaan ng yo-yo sapagkat, ayon sa kanya, mas interesado siyang magturo sa mga kabataan kung paano maglaro ng yo-yo kaysa sa paggawa nito. Kung kaya siya rin ang nagpasimuno ng mga paligsahan sa yo-yo. 

Taong 1931, lumibot si Pedro sa iba't ibang siyudad upang maipakilala ang yo-yo sa pamamagitan ng mga patimpalak. Makalipas ang dalawang taon, pinagpatuloy ni Duncan Sr. ang mga paligsahan sa yo-yo, ngunit ito ay may malaking pagbabago sa larangan ng paglalaro ng yo-yo. Kinakailangang may maipakitang trick o exhibition ang mga sasali sa patimpalak ni Duncan Sr. Kaya hanggang ngayon, ang mga patimpalak sa yo-yo ay hinahatulan sa pamamagitan ng pagandahan at paramihan ng mga trick sa yo-yo. Marami pang naiambag si Duncan Sr. sa kasaysayan ng yo-yo maliban sa paligsahan gaya ng mga makabagong disenyo at tali. Sa katunayan, si Duncan Sr. ang nagpasikat ng laruang yo-yo sa buong mundo.

Kahit na ibinenta ni Pedro ang kanyang pagawaan ng yo-yo kay Duncan, hindi pa rin siya lumayo sa pagyo-yoyo. Nagtatag pa siya muli ng isang pagawaan ng yo-yo, ang Bandalore Company. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdigan, tinulungan naman niya ang isang kababayang Pilipino, si Joe Radovan, na magtatag din ng isang pagawaan ng yo-yo sa Amerika, ang Chico Yo-yo Company. Taong 1954, itinatag naman niya ang Flores Corp. of America na sinubukan ding gumawa ng mga yo-yo noong dekada 50.

Sa loob ng madaming taon, nakabenta ang Duncan Yo-yo Company ng mahigit 45 milyong piraso ng yo-yo. Yun nga lang, taong 1962 ay nagsara na ito dahil sa pagtaas ng mga gastusin ng kompanya. Binili ng Flambeau Plastic Company ang lahat ng karapatan, kasama na ang pangalan ng kompanya ni Duncan Sr. Di kalaunan, gumawa ang Flambeau Plastic Company ng mga yo-yo na gawa sa plastik. Hanggang ngayon, karamihan sa mga makabagong yo-yo ay yari sa plastik.

Madalas na sinasabing si Pedro ang naka-imbento ng yo-yo. Sa katunayan, siya ang orihinal na may-ari ng patent sa mga yo-yo. Ngunit, sa kanyang kababang-loob, ni minsan, hindi niya inako ang karangalang ito. Palagi niyang pinagmamalaki na ang yo-yo ay isang katutubong laruan sa kanyang lupang pinagmulan, ang Pilipinas.

Wala talagang nakakaalam kung sino ang tunay na naka-imbento ng yo-yo o kung saan ito nagmula. Ang yo-yo ay tinaguriang pangalawang pinaka-lumang laruan, sunod lamang sa manika. Sa mga hukay sa Mediterranean, natagpuan ng mga archaeologists ang mga sinuanang yo-yo ng Gresya na gawa sa tanso at terracotta. Ang mga yo-yo nagmula sa sinaunang Gresya ay may mga palamuti ng mga mukha ng kanilang diyos. Ito ay sapagkat kapag ang sinaunang batang Griyego ay magbibinata na, lahat ng kanyang laruan, kasama ang yo-yo, ay iniaalay sa altar ng kanilang pamilya. Ang yo-yo naman na matatagpuan sa Metropolitan Museum of Art sa New York ay pinaniniwalaang nagmula sa pagitan ng mga taong 460 hanggang 450 B.C. Kahit sa mga lumang paso na nagmula pa sa taong 440 B.C., nakadisenyo doon ang mga batang naglalaro ng yo-yo. Noong mga panahong 1800, nakarating mula sa Asya papuntang Europa ang yo-yo. Tinawag ito ng mga taga-Britanya bilang bandalore, quiz at Prince of Wales toy. Tinawag naman itong incroyable at l'emigrette ng mga Pranses. Ngunit sa Pilipinas, bago pa ito gawing laruan, ito ay ginamit na bilang sandata. Sa loob ng mahigit 400 taon, ginamit ng mga mandirigmang Pilipino laban sa mga tulisan at mananakop ang yo-yo. Ginagamit din ito sa pangangaso. Ang kaibahan sa disenyo ng laruang yo-yo sa sandatang yo-yo ay ang mga matutulis na dulo nito na pwedeng makahati o makasugat sa matatamaan nito.

Ngayon, ang pinakabagong karangalan ng yo-yo ni Pedro, ay hirangin bilang unang laruan na nakarating sa kalawakan.

No comments:

Post a Comment