Alam niyo ba na ang banal na patron ng distrito ng Quiapo sa Lungsod ng Maynila ay si San Juan Bautista at hindi ang Hesus Nazareno?
Ang simbahan ng Quiapo ay halos kasingtanda na din ng distrito at binuo mula sa mga simpleng panangkap gaya ng mga kawayan at nipa. Mula noong ito ay kapilya pa lamang, ang parokya ng Quiapo ay inialay na at ipinangalan sa banal na San Juan Bautista. Isa sa mga nagtatag ng simbahan ng Quiapo ay si San Pedro Bautista, isang misyonaryong Pransiskano at isa sa dalawampu't anim na martir at pinatay sa sinaunang bansang Japan.
Ang simbahan ng Quiapo ay madalas na dinadagsa ng mga deboto tuwing Pista ng Nazareno buwan ng Enero at tuwing araw ng Biyernes para sa mga namamanata. |
Sa kabilang dako ng mundo, isang galyon mula sa Acapulco, Mexico, ang naglayag papunta sa Maynila dala ang dalawang imahe ng Hesus Nazareno. Sa simula, maputi ang balat ng mga imahe ng Nazareno na inukit ng hindi pa nakikilalang Mehikanong iskultor. Sa haba ng biyahe, sinasabing nasunugan ang barko habang nasa kalagitnaan ng karagatan. Pinaniniwalaan na milagrosong nailigtas ang galyon, ang mga taong sakay nito at ang mga imahe na umitim dahil sa sunog. Nakarating sa daungan ng Maynila ang galyon at dinala ng mga paring Rekoleto sa dalawang parokya ang dalawang Itim na Nazareno: ang parokya ni San Nicolas de Tolentino sa Bagumbayan, at ang parokya ni San Juan Bautista sa Quiapo. Nang nasira ang parokya sa Bagumbayan, ang Itim na Nazareno nito ay inilipat sa Intramuros.
Ilang beses na din nasira ang simbahan ng Quiapo. Noong 1639, ito ay nasunog ngunit binuo muli at pinatatag. Isang malakas na lindol naman ang nakawasak dito noong 1863. Binuo muli ang simbahan ng Quiapo noong 1899. Noong ika-30 ng Nobyembre, 1928, nasunog muli ang simbahan ng Quiapo ngunit ipinaayos ni Juan Nakpil, isang arkitekto.
Noong 1650, pinasinayaan ni Pope Innocent X ang veneration ng Itim na Nazareno bilang isa sa mga sacramental ng Simbahang Katolika. Ang sacramental ay isang bagay na itinuturing na banal ng mga Katoliko upang makapagbigay respeto sa mga sakramento at mapatatag pa ang pananampalataya. Ang ilan sa mga halimbawa nito ay ang rosaryo, krus at ang Holy Water.
Pope Innocent X, dibuho ni Diego Velasquez |
Binigyan din ni Pope Innocent X ng pahintulot ang Cofradia de Nuestro Santo Jesus Nazareno, isang grupo ng mga relihiyosong Pilipino at deboto ng Itim na Nazareno. Ito ang mga panahon na ipinagbabawal pa na maging pari ang mga Pilipino ngunit pinapayagan namang bumuo ng cofradia o confraternity.
Noong 1880, binigyan ni Pope Pius VII ang imahe ng kanyang basbas, ang apostolic blessing, kung saan sinasabi na ang sumampalataya sa Panginoon sa pamamagitan ng Itim na Nazareno ay magkakaroon ng plenary indulgence, kung saan ang mga parusa para sa mga venial sins ay mawawala.
Ikalawang Digmaang Pandaigdigan, 1945, binomba ng mga Hapones ang Maynila. Sa kasamaang palad, nasira ang imahe ng Itim na Nazareno na nasa Intramuros. Ngunit milagrosong nakaligtas ang imahe na nasa simbahan ng Quiapo. Sa ilang beses na nasira at binuong muli ang simbahan ng Quiapo, hindi nasira ang imahe ng Itim na Nazareno dito, dahilan upang lalong sumikat ito sa mga deboto at pinaniniwalaang milagroso.
Taong 1984, pinalaki ang simbahan ng Quiapo upang mapagsilbihan ng mas maayos ang milyon-milyong deboto ng Itim na Nazareno. Noong 1988, pinangunahan ni Jaime Cardinal Sin ang pagbabasbas sa simbahan ng Quiapo, ang parokya ni San Juan Bautista, bilang isang minor basilica. Ngayon ito ay tinatawag na Minor Basilica of the Black Nazarene, ngunit kinikilala pa din ito bilang St. John the Baptist Parish.
No comments:
Post a Comment