Translate

Monday, January 5, 2015

Ang Mga Banga ni "Luzon"

Alam niyo ba na may isang Hapones noong unang panahon na naging sikat dahil sa mga banga na galing sa isla ng Luzon?


Noong panahon ng Kaharian ng Tondo at ng Ming Dynasty, bago pa man dumating ang mga Kastila sa isla ng Luzon, malayang nagnenegosyo ang mga sinaunang Tsino at ang mga taga-Tondo. Sa mga panahon ding ito nagmula ang mga unang Tsino na nanirahan sa Luzon. Dahil sa magandang relasyon ng Kaharian ng Tondo at ng imperyo ng Ming Dynasty sa kalakalan, naging sentro ang buong Luzon, lalo na ang Kaharian ng Tondo, ng kalakalan at komersiyo sa buong Timog Silangang Asya. Sa katunayan, mas maganda pa ang relasyon ng Kaharian ng Tondo sa imperyo ng China kumpara sa relasyon ng China sa imperyo ng Japan. Ang mga mangangalakal ng Tondo ay pinapayagang makipagkalakalan sa mga Tsino isang beses kada dalawang taon, habang ang mga mangangalakal ng Japan ay pinapayagan lamang makipagkalakalan sa mga Tsino isang beses kada sampung taon.

Dahil sa malaking pagkakaiba ng relasyon ng mga mangangalakal na Tsino sa mga Hapones at sa mga taga-Tondo, madalas na nagiging marahas ang mga Hapon. Sila ay madalas na namimirata sa mga barkong Tsino patungong Luzon, o di kaya'y lumusob at magnakaw sa mga tindahan sa Tondo. May ibang Hapones naman na pinili ang maayos na pakikipagkalakalan lalong-lalo na sa industriya ng tsaa. At isa sa mga Hapones na ito ay si Luzon (o Ruson) Sukezaemon.

Si Luzon Sukezaemon ay isang mangangalakal mula sa Sakai, Osaka, Japan. Ang tunay niyang pangalan ay Naya Sukazaemon, pinalitan niya ang kanyang pangalan noong 1593 (o 1594) matapos ang isang matagumpay na pangangalakal sa isla ng Luzon. Siya ay yumaman sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga mamahaling banga. Ang mga bangang ito ay binabalutan ng mga sutla at ang iba ay may mga nakasulat na tula.

Marami siyang naging suki, lalo na ang mga mayayaman at makapangyarihan sa Japan. Namuhay siyang marangya nang maraming taon dahil dito. Ngunit kahit naging maganda ang takbo ng negosyo ni Sukezaemon, hindi lahat ng kanyang naging customer ay natutuwa sa kanya. Naging suki niya ang isang daimyo, si Toyotomi Hideyoshi. Ang daimyo ay isang taong namumuno sa isang partikular na teritoryo sa bansang Japan. Noong mga panahon na iyon, itinuturing si Hideyoshi bilang pinakamalakas na daimyo, at maaring siya rin ang tinuturing na pinuno ng buong Japan. Maayos naman sa simula ang mga transaksyon ni Sukezaemon at Hideyoshi. Ngunit di kalaunan, naging mapait ang kanilang pagkakalakalan.
Ang monumento ni Luzon Sukezaemon

Si Sukezaemon ay isa sa mga tanyag na miyembro ng angkan ng mga Nayashu, kabilang sina Sen Rikyu at Imai Sokyu, mga tanyag na masters of tea ceremony. Binentahan ni Sukezaemon si Hideyoshi ng kanyang nga mamahaling produkto. Ang mga ito ay dinala ni Hideyoshi sa palasyo ng Nishinomaru sa kastilyo ng Osaka at nalaman ito ng iba pang mga pinuno. Dahil doon, dumami ang mga customer ni Sukezaemon. Sumikat si Luzon Sukezaemon sa buong Japan at yumaman. Namuhay siyang parang isang daimyo na din - may sariling mga tauhan at malaking bahay. Hindi ito nagustuhan ni Hideyoshi at siya'y pinarusahan. Inakusahan ni Hideyoshi si Sukezaemon ng mga krimen na hindi niya ginawa, at siya'y napilitang tumakas. Isa-isang kinamkam ni Hideyoshi ang kanyang mga ari-arian. Ang bahay ni Sukezaemon ay hindi nakuha ni Hideyoshi sapagkat bago pa siya umalis, ito ay naibigay na niya sa templo ng Daian-ji. Si Sukezaemon ay muling nagbalik sa isla ng Luzon. Sa galit ni Hideyoshi, bilang isang diktador, pinarusahan din niya ang miyembro ng Nayashu na si Sen Rikyu.

Wala nang masyadong nakakaalam sa kung ano ang totoong nangyari kay Sukezaemon sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas. May mga nagsasabing nagsama siya ng humigit kumulang na 100 tauhan niya upang umatake sa Kaharian ng Maynila, na nakakasakop na din sa Tondo noong panahon na yun. May mga nagsasabi naman na siya ay nakipagalyansa sa isang pirata na nagngangalang Tai Fusa, na umaatake din noon sa Kaharian ng Maynila. At may nagsasabi din namang siya'y namuhay na lang ng simple sa isla ng Luzon, hanggang sa nasakop na ang buong isla ng Espanya. Ang sigurado lang na nangyari sa kanya matapos ang kanyang pagbabalik sa isla ng Luzon, hindi na siya muling naging matagumpay na mangangalakal at siya'y muling umalis at nanirahan na lang sa Cambodia. Siya'y muling nag-negosyo ngunit hindi na siya muli pang bumalik sa Japan o sa isla ng Luzon.

Ano ang nangyari sa mga banga ni Luzon?

Ang mga ito ngayon ay matatagpuan sa Japan at itinuturing na mga meibutsu, o mga mahahalagang bagay ng kultura at kasaysayan. Noong 1954, naibenta ang 7 banga sa halaga ng mahigit kumulang 2 kilong ginto. Ang mga banga ni Luzon ay binigyan din ng mga magagarang pangalan, gaya ng banga na pagmamay-ari ni Hideyoshi, ang Shoka o Pine Blossom. Ang iba pang tanyag na banga ni Luzon na pinangalanan ay ang Renge-O, dahil sa mga nakasulat na O (hari) at Renge (lotus), ang Seiko o Pure Perfume, at ang Dai Roin o Great Luzon.

No comments:

Post a Comment