Translate

Saturday, December 29, 2012

Ang Mga Pinoy Ketchup

Alam niyo ba na ang banana ketchup (banana catsup minsan ang spelling) ay gawa ng isang Pilipino?



Ang banana ketchup ay inimbento ni Maria Orosa, isa sa mga siyentipikong Pilipino at itinuturing na bayani noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Noong panahon daw kasi na yun ay may kakulangan ng kamatis sa buong arkipelago. Alam naman ng lahat kung gaano karaming putaheng Pinoy ang kinakailangan ng kamatis. Maliban doon, nangangailangan din ang mga sundalong Amerikano ng ketchup para sa kanilang mga burgers at fried chicken. At dahil napakaraming saging sa Pilipinas, naisipan ni Maria Orosa na gumawa ng alternatibong ketchup mula sa saging. At dahil din sa banana ketchup, at sa iba pang inimbentong "magic food" ni Maria Orosa, maraming buhay ang nasalba noong Panahon ng Hapon.

Ngayon, ang banana ketchup ay isa sa pinaka-sikat na uri ng ketchup sa buong mundo. Binibenta na ito sa labas ng Pilipinas lalong lalo na sa mga bansang maraming Pinoy gaya ng US, Canada, UK, Saudi Arabia, Kuwait, Hong Kong, France, Switzerland, Australia at New Zealand. Nagiging popular na din ito sa mga fast food chain sa ibang bansa sapagkat ito ay mas mura kumpara sa orihinal na tomato ketchup. Hindi rin kataka-taka kung bakit ang ibang bansa, gaya ng mga bansa sa Caribbean ay magkaroon ng kanilang bersiyon ng banana ketchup. Ang Caribbean version ay dilaw ang kulay upang maihalintulad talaga sa kulay ng saging.

Ang tunay na kulay ng banana ketchup ay katulad ng peanut butter ngunit ito ay binago gamit ng pulang food coloring upang mas mukhang maging kaaya-aya sa pagkain. Ngunit kung binago ng panahon ang kulay ng banana ketchup, may isa pang Pinoy ketchup ang hindi naman binabago ang kulay. Ito ay ang mango ketchup ng Guimaras, ang mangga capital ng mundo.


Ang mango ketchup ay higit na mas mahal kumpara sa banana ketchup at sa tomato ketchup. Natural lamang na mas mahal ito kumpara sa ibang mas sikat na ketchup sapagkat ang pangunahing sangkap nito ay mamahaling prutas. Ito rin ay naibebenta na din sa ibang bansa at madalas na naibibida sa mga mango festival, sa loob at labas ng Pilipinas.

Saturday, December 15, 2012

Ang Karora at iba pang salitang Tagalog-Hindi-Sanskrit

Alam niyo ba na ang "sampung milyon" ay may bersyon sa wikang Tagalog?

Ang lumang tawag sa "sampung milyon" ay karora. Ang karora ay isang lumang salitang Tagalog na nagmula sa salitang Hindu na crore, na hanggang ngayon ay ginagamit pa din sa mga bansa sa Timog Asya gaya ng Bangladesh, India, Nepal, Pakistan at Sri Lanka.


Mas madalas itong ginagamit noon, bago pa dumating ang mga Kastila, kung kailan ang mga dayuhang negosyante mula sa Timog Asya ay nakikipagkalakan na sa mga sinaunang Pinoy. Isa ito sa mga hiram na salita sa wikang Hindu at Sanskrit na nalipasan na ng panahon. Ang ilan sa mga salitang hiram sa Hindu at Sanskrit na hindi na ginagamit ay ang "kapas", na ngayon ay bulak, at ang "naga", na Tagalog para sa salitang dragon.



Ngunit hindi lahat ng hiram na salitang galing sa Timog Asya ay limot na. Ang ilan sa mga salitang ito na naging bahagi ng bokabularyong Tagalog hanggang sa ngayon ay ang mga sumusunod:

  • asa - umasa, aasa, pag-asa, asahan
  • atsara - achara
  • asawa - mag-asawa
  • bahala - bahala na, bahala ka
  • Bathala
  • bahagi - kabahagi, bahagian
  • balita - balitaan, nagbabalita
  • beranda - veranda
  • budhi
  • diwa
  • diwata
  • dukha - kadukhaan, karukhaan
  • guro
  • karma - makarma
  • katha - kathain, kinatha
  • laho - naglaho
  • lakambini
  • maharlika
  • mukha - kamukha, mukhang, pinag-mukha
  • puri - pagpupuri, kapurihan
  • salita - sinasalita, pinagsalita, salitaan
  • sampalataya - sumampalataya, sumasampalataya
  • sarong
  • sutla - mala-sutla
  • tsaa - chaa