Translate

Saturday, March 30, 2013

Ang Yo-yo ni Pedro

Alam niyo ba na ang yo-yo ay unang pinasikat ng isang Pinoy?

Pedro Flores, ang unang yo-yo maker ng Amerika

Si Pedro Flores, tubong Vintar, Ilocos Norte, ay pumunta sa Amerika noong 1915. Siya ay nag-aral sa High School of Commerce sa San Francisco, California at tuluyang nag-aral ng abogasya sa University of California, Berkeley at sa Hastings College of Law sa San Francisco. Ngunit hindi naging madali ang buhay estudyante ni Pedro. Kinailangan niyang ipagpaliban ang kanyang pag-aaral at lumipat ng tirahan sa Santa Barbara, California. Doon, iba-iba ang naging trabaho ni Pedro. Habang nagtatrabaho bilang isang bell boy sa isang hotel, nabasa niya sa isang artikulo sa diyaryo kung paano napayaman ng isang tao ang kanyang sarili sa paggawa ng laruan. Dahil sa nabasa, nagkaroon ng inspirasyon si Pedro upang ipakilala sa Amerika ang isang katutubong laruan ng Pilipinas, ang yo-yo.

Taong 1928, sinimulan ni Pedro ang negosyo sa yo-yo ang nakapagpatayo siya ng pagawaan nito. Tinawag ang pagawaan na ito bilang Yo-yo Manufacturing Company at ito ay matatagpuan sa Santa Barbara. Siya ang unang tao na nag-mass produce ng mga yo-yo upang gawing negosyo. Mahigit 100,000 na yo-yo ang kanyang ginawa. Sa katunayan, matagal nang may yo-yo sa Amerika. Ito ay dinala ng mga taga-Britanya 50 taon bago itatag ni Pedro ang kanyang pagawaan. Bandalore ang tawag ng mga Amerikano at ng mga taga-Britanya, ngunit si Pedro ang nagpakilala sa laruang ito bilang yo-yo, na hango sa isang lumang salitang Tagalog na ang ibig sabihin ay "bumalik".

Ang yo-yo ni Pedro

Sa pagitan ng mga taong 1930 hanggang 1932, binenta niya ang kanyang pagawaan ng yo-yo sa isang Amerikanong negosyanteng nagngangalang Donald F. Duncan Sr., sa halagaang $250,000. Napakalaking halaga na ito noong panahon na iyon, sapagkat yun ang panahong tinaguriang Great Depression sa kasaysayan ng Amerika. Pinalitan ni Duncan Sr. ang pangalan ng kompanya ni Pedro bilang Donald Duncan Yo-yo Company. Binenta ni Pedro ang kanyang pagawaan ng yo-yo sapagkat, ayon sa kanya, mas interesado siyang magturo sa mga kabataan kung paano maglaro ng yo-yo kaysa sa paggawa nito. Kung kaya siya rin ang nagpasimuno ng mga paligsahan sa yo-yo. 

Taong 1931, lumibot si Pedro sa iba't ibang siyudad upang maipakilala ang yo-yo sa pamamagitan ng mga patimpalak. Makalipas ang dalawang taon, pinagpatuloy ni Duncan Sr. ang mga paligsahan sa yo-yo, ngunit ito ay may malaking pagbabago sa larangan ng paglalaro ng yo-yo. Kinakailangang may maipakitang trick o exhibition ang mga sasali sa patimpalak ni Duncan Sr. Kaya hanggang ngayon, ang mga patimpalak sa yo-yo ay hinahatulan sa pamamagitan ng pagandahan at paramihan ng mga trick sa yo-yo. Marami pang naiambag si Duncan Sr. sa kasaysayan ng yo-yo maliban sa paligsahan gaya ng mga makabagong disenyo at tali. Sa katunayan, si Duncan Sr. ang nagpasikat ng laruang yo-yo sa buong mundo.

Kahit na ibinenta ni Pedro ang kanyang pagawaan ng yo-yo kay Duncan, hindi pa rin siya lumayo sa pagyo-yoyo. Nagtatag pa siya muli ng isang pagawaan ng yo-yo, ang Bandalore Company. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdigan, tinulungan naman niya ang isang kababayang Pilipino, si Joe Radovan, na magtatag din ng isang pagawaan ng yo-yo sa Amerika, ang Chico Yo-yo Company. Taong 1954, itinatag naman niya ang Flores Corp. of America na sinubukan ding gumawa ng mga yo-yo noong dekada 50.

Sa loob ng madaming taon, nakabenta ang Duncan Yo-yo Company ng mahigit 45 milyong piraso ng yo-yo. Yun nga lang, taong 1962 ay nagsara na ito dahil sa pagtaas ng mga gastusin ng kompanya. Binili ng Flambeau Plastic Company ang lahat ng karapatan, kasama na ang pangalan ng kompanya ni Duncan Sr. Di kalaunan, gumawa ang Flambeau Plastic Company ng mga yo-yo na gawa sa plastik. Hanggang ngayon, karamihan sa mga makabagong yo-yo ay yari sa plastik.

Madalas na sinasabing si Pedro ang naka-imbento ng yo-yo. Sa katunayan, siya ang orihinal na may-ari ng patent sa mga yo-yo. Ngunit, sa kanyang kababang-loob, ni minsan, hindi niya inako ang karangalang ito. Palagi niyang pinagmamalaki na ang yo-yo ay isang katutubong laruan sa kanyang lupang pinagmulan, ang Pilipinas.

Wala talagang nakakaalam kung sino ang tunay na naka-imbento ng yo-yo o kung saan ito nagmula. Ang yo-yo ay tinaguriang pangalawang pinaka-lumang laruan, sunod lamang sa manika. Sa mga hukay sa Mediterranean, natagpuan ng mga archaeologists ang mga sinuanang yo-yo ng Gresya na gawa sa tanso at terracotta. Ang mga yo-yo nagmula sa sinaunang Gresya ay may mga palamuti ng mga mukha ng kanilang diyos. Ito ay sapagkat kapag ang sinaunang batang Griyego ay magbibinata na, lahat ng kanyang laruan, kasama ang yo-yo, ay iniaalay sa altar ng kanilang pamilya. Ang yo-yo naman na matatagpuan sa Metropolitan Museum of Art sa New York ay pinaniniwalaang nagmula sa pagitan ng mga taong 460 hanggang 450 B.C. Kahit sa mga lumang paso na nagmula pa sa taong 440 B.C., nakadisenyo doon ang mga batang naglalaro ng yo-yo. Noong mga panahong 1800, nakarating mula sa Asya papuntang Europa ang yo-yo. Tinawag ito ng mga taga-Britanya bilang bandalore, quiz at Prince of Wales toy. Tinawag naman itong incroyable at l'emigrette ng mga Pranses. Ngunit sa Pilipinas, bago pa ito gawing laruan, ito ay ginamit na bilang sandata. Sa loob ng mahigit 400 taon, ginamit ng mga mandirigmang Pilipino laban sa mga tulisan at mananakop ang yo-yo. Ginagamit din ito sa pangangaso. Ang kaibahan sa disenyo ng laruang yo-yo sa sandatang yo-yo ay ang mga matutulis na dulo nito na pwedeng makahati o makasugat sa matatamaan nito.

Ngayon, ang pinakabagong karangalan ng yo-yo ni Pedro, ay hirangin bilang unang laruan na nakarating sa kalawakan.

Saturday, March 16, 2013

Ang mga Barko ng US Navy Pinoy Style


Alam niyo ba na may mga barko ang US Navy na ang pangalan ay ibinase sa iba't ibang makasaysayang lugar, tao, pangyayari at salitang Filipino?

Mahigit sa apatnapung barko ng US Navy ang Pinoy na Pinoy ang dating. Hindi kataka-taka na ipangalan ng bansang Amerika sa kanyang mga barkong pandigma ang maraming bagay na maaaring maiugnay sa Pilipinas at sa lahing Pilipino. Eto ay dahil sa malalim na samahan at kasaysayan ng mga bansang Amerika at Pilipinas mula pa noong panahon ng mga Kastila.

Ang ilan sa pangalan ng barko ng US Navy ay may halong leksyon sa kasaysayan ng Pilipinas gaya ng USS Paragua (1888), isang gun boat na pinangalan sa dating pangalan ng isla ng Palawan. Maliban sa pangalan, ito ay talagang nakaukit sa kasaysayan ng Pilipinas sapagkat ito ay orihinal na nanilbihan sa Spanish Pacific Fleet, ginamit sa Digmaang Espanya-Amerika bago ito ipinagbili sa US Navy. Sa paninilbihan ng Paragua sa US Navy, ito naman ay ginamit ng mga Amerikano laban sa mga gerilyang Pilipino sa mga probinsya ng Masbate, Pangasinan, Jolo at Sulu. Maliban sa pakikipaglaban sa mga rebelde, ginamit din ang Paragua laban sa mga pirata ng Iloilo, Guimaras, Negros, Romblon at Cotabato.



Ang isa pang makasaysayang pangalan ng barko ng US Navy ay ang USS Rizal (DD-174), na pinangalan sa ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal. Ito ay isang Wickes-class destroyer minelayer, at ginamit noong Unang Digmaang Pandaigdigan. Unang dumating sa Pilipinas ang Rizal noong ika-1 ng Mayo, 1920 upang sumali sa Mine Detachment Division ng Asiatic Fleet. Karamihan sa mga tripolante ng Rizal ay mga Pilipino. At dahil ito ay kasali sa Asiatic Fleet ng US Navy sa loob ng sampung taon, ito ay madalas na lumalayag papunta sa iba't ibang daungan sa Asya at Dagat Pasipiko maliban sa Pilipinas gaya ng Shanghai at Hong Kong sa China, Guam sa Dagat Pasipiko at Yokohama sa Japan. Tuwing panahon ng taglamig, ang Rizal ay madalas na nakadaong sa mga Look ng Maynila at ng Olongapo.

Maliban sa mga makasaysayang mga  pangalan, may isa ding barko ang US Navy na ipinangalan sa isang salitang Tagalog, ang USS Banaag (YT-104). Ito ay isa ring makasaysayang barko ng US Navy na nakadaong sa Olongapo Naval Station mula pa noong 1911. Sa kasamaang palad, ito ay winasak ng mga Hapones noong 1941, araw ng Pasko. Ngunit bago pa ito madamay sa pagbobomba ng mga Hapones sa Olongapo, nailikas na ang baril nito at nilagay sa Shanghai upang gawing kanyon.

Maliban sa mga unang nabanggit, ang mga sumusunod ay ang iba pang mga barko na ipinangalan sa iba't ibang aspetong Pinoy:

Mga Pinangalan sa Digmaan
  • USS Leyte Gulf (CG-55) - ipinangalan sa Battle of Leyte Gulf, na naganap noong ika-23 hanggang 26 ng Oktubre, 1944.
  • USS Philippine Sea (CG-58 at CV-47) - ipinangalan sa Battle of the Philippine Sea, na naganap noong ika-19 hanggang 20 ng Hunyo, 1944.
  • USS Corregidor (CVE-58) - ipinangalan sa Battle of Corregidor, na naganap noong ika-5 hanggang 6 ng Mayo, 1942.
  • USS Leyte (CV-32) - ipinangalan din sa Battle of Leyte Gulf.
  • USS Manila Bay (CVE-61) - ipinangalan sa Battle of Manila Bay, na naganap noong ika-1 ng Mayo, 1898.
  • USS Mindoro (CVE-120) - ipinangalan sa Battle of Mindoro, na naganap noong ika-13 hanggang 16 ng Disyembre, 1944.
  • USS Lingayen (CVE-126) - ipinangalan sa Invasion of Lingayen Gulf, na naganap noong ika-6 hanggang 9 ng Enero, 1945.
  • USS Bataan (LHD-5 at CVL-29) - ipinangalan sa Defense of the Bataan Peninsula, na naganap noong ika-7 ng Enero hanggang ika-9 ng Abril, 1942.



Mga Pinangalan sa Ilog
  • USS Pasig (AO-89 at AW-3) - ipinangalan sa Pasig River na matatagpuan sa Kalakhang Maynila.
  • USS Abatan (AW-4) - ipinangalan sa Abatan River na matatagpuan sa Bohol.

Mga Pinangalan sa Isla
  • USS Camanga (AG-42) - ipinangalan sa Camanga Island na matatagpuan sa Coron, Palawan.
  • USS Majaba (AG-43) - ipinangalan sa Majaba Island na matatagpuan sa Catbalogan, Samar.
  • USS Malanao (AG-44) - ipinangalan sa Malanao Island na matatagpuan sa Aborlan, Palawan.
  • USS Taganak (AG-45) - ipinangalan sa Taganak Island na matatagpuan sa Turtle Islands, Tawi-Tawi.
  • USS Tuluran (AG-46) - ipinangalan sa Tuluran Island na matatagpuan sa Taytay, Palawan.
  • USS Burias (AG-69) - ipinangalan sa Burias Island na matatagpuan sa Masbate.
  • USS Luzon (ARG-2 at PG-47) - ipinangalan sa isla ng Luzon.
  • USS Mindanao (ARG-3 at PR-8) - ipinangalan sa isla ng Mindanao.
  • USS Dumaran (ARG-14) - ipinangalan sa Dumaran Island na matatagpuan sa Palawan.
  • USS Panay (PR-5) - ipinangalan sa Panay Island na matatagpuan sa rehiyon ng Western Visayas.
  • USS Calamianes (1899) - ipinangalan sa arkipelago ng Calamianes na matatagpuan sa Palawan. Ang arkipelago ay binubuo ng mga isla ng Busuanga, Coron, Culion, Calauit, Malcapuya, Banana, Pass, Calumbuyan at iba pang mga maliliit na isla.

Mga Pinangalan sa mga Bayan at mga Probinsya
  • USS Basilan (AG-68) - ipinangalan sa Basilan na matatagpuan sa rehiyon ng ARMM.
  • USS Cebu (ARG-6) - ipinangalan sa Cebu na matatagpuan sa rehiyon ng Central Visayas.
  • USS Leyte (ARG-8) - ipinangalan sa Leyte na matatagpuan sa rehiyon ng Eastern Visayas.
  • USS Palawan (ARG-10) - ipinangalan sa Palawan na matatagpuan sa rehiyon ng MIMAROPA.
  • USS Samar (ARG-11 at PG-41) - ipinangalan sa Samar na matatagpuan sa rehiyon ng Eastern Visayas.
  • USS Masbate (ARG-15) - ipinangalan sa Masbate na matatagpuan sa rehiyon ng Bicol.
  • USS Pampanga (PG-39) - ipinangalan sa Pampanga sa rehiyon ng Central Luzon.
  • USS Albay (1886) - ipinangalan sa Albay na matatagpuan sa rehiyon ng Bicol.
  • USS Arayat (IX-134) - ipinangalan sa bayan ng Arayat na matatagpuan sa Pampanga sa rehiyon ng Central Luzon.
  • USS Mariveles (IX-197) - ipinangalan sa bayan ng Mariveles na matatagpuan sa Bataan sa rehiyon ng Central Luzon.
  • USS Balanga (YT-103) - ipinangalan sa bayan ng Balanga na matatagpuan sa Bataan sa rehiyon ng Central Luzon.

May isang barkong tinawag na USS Philippines (CB-4) ngunit ang paggawa ng barkong ito ay nakansela at hindi na naisakatuparan pa.

Saturday, February 23, 2013

Ang Star Trek at ang mga Dagat ng Pilipinas

Alam niyo ba na isa sa mga pangunahing bida ng Star Trek ay ipinangalan sa Sulu Sea?

Si Hikaru Sulu ay "ipinanganak" sa San Francisco, California "noong" June 24, 2230. Sinasabing siya ay may lahing Hapones at unang nagsilbi bilang third officer at senior helmsman sa USS Enterprise at sa USS Enterprise-A na may ranggong tenyente o lieutenant. Siya ay na-promote bilang lieutenant commander at hindi katagalan ay naging commander din. Na-promote muli siya at naging kapitan o captain ng USS Excelsior.


Ang unang gumanap bilang Hikaru Sulu ay ang aktor na si George Takei. Ayon kay Takei, ang apelyidong Sulu ay hinango mula sa Sulu Sea. Ito ay hinango ni Gene Rodenberry, ang lumikha ng Star Trek, sa Sulu Sea upang kumatawan sa lahat ng mga Asyano. Ayon kay Takei, ayaw ni Rodenberry na kumuha ng isang apelyidong partikular sa isang bansa sa Asya. Gusto niya kasing mailarawan ni Hikaru Sulu ang mga Asyano sa Star Trek. Kaya, kinuha ni Rodenberry ang isang mapa at doon niya nakita ang Dagat ng Sulu, sa paniniwalang lahat ng pampang nito ay nakadikit sa lahat o sa karamihan ng bansa sa Asya.

Ang rebelasyong ito ni Takei ay bunga dahil sa pagkabahala ng direktor ng bagong pelikula ng Star Trek na si JJ Abrams na ilagay si John Cho, isang Korean-American na artista, at gumanap bilang isang Hapones. At dahil sa pagtitiyak ni Takei, si Cho na ang bagong artista na gumanap bilang si Hikaru Sulu sa mga bagong pelikula ng Star Trek, noong 2009 at ang Star Trek Into Darkness ng 2013. 


Ang Dagat ng Sulu ay matatagpuan sa timog kanlurang bahagi ng Pilipinas, na napapaligiran ng probinsya ng Palawan sa hilagang kanluran, rehiyon ng Visayas sa hilagang silangan, probinsya ng Sulu sa timog silangan at isla ng Borneo sa timog kanluran.

Maliban sa Dagat ng Sulu, isa pang dagat ng Pilipinas ang ginamit bilang pangalan sa Star Trek universe. Ang Golpo ng Leyte ay ginamit din sa prangkisa ng Star Trek bilang pangalan ng isa sa mga Starfleet ship nito, ang  USS Leyte Gulf (NCC-71427), Akira class, na pinamumunuan ni Capt. Aaron Juraj sa Star Trek: Away Team, isang laro na hinango sa Star Trek. Sa istorya, ang USS Leyte Gulf ang unang Starfleet ship na naimpeksyon ng mga Nanites, mga maliliit na robot.

Saturday, February 9, 2013

Si Bishop at ang Pinoy Creator nito

Alam niyo ba na isang Pinoy ang isa sa mga lumikha ng isa sa mga pinakasikat na X-Men character, na si Bishop?


Si Whilce Portacio ay pinanganak sa Cavite ngunit lumaki at tumira sa Amerika. Sa murang edad, nakahiligan na ni Portacio ang pagbabasa ng komiks. Nagsimula ito nang itatapon na sana ng kanilang kapitbahay ang mga koleksyong komiks ng kanyang asawa. Dito na nakilala ni Portacio ang mga likha ni Jack Kirby at Neal Adams, dalawang taong naging impluwensya ni Portacio sa kanyang sining. Si Kirby lang naman ang isa sa lumikha sa Fantastic Four, Captain America, Avengers at marami pang iba. Si Adams naman ay kilala sa mga kontribusyon niya sa mga komiks ng Batman, X-Men, Green Lantern, Green Arrow at marami pang iba.

Ang mala-alamat na si Whilce Portacio
Si Bishop ay isang mutant na nagmula sa future, at naglakbay papunta sa kasalukuyang panahon upang habulin ang isang kriminal na mutant na nagmula din sa future, si Trevor Fitzroy, likha din ni Portacio. Dito na siya nakaanib sa X-Men. Sa future, siya ay isang ulila at kinupkop ni Witness, a.k.a. LeBeau, na kilala sa kasalukuyang panahon bilang Gambit. Bilang miyembro ng X-Men sa pangkasalukuyang panahon, siya naman ay nasa pangunguna ni Storm at di kalaunan ay naging personal na bodyguard ni Professor X.

Si Bishop ay isa sa mga miyembro ng X-Men. Ngunit di katulad ng ibang miyembro, siya ay nagmula sa  future. Litrato mula sa http://thefirstruleoffilmclub.wordpress.com
Ang "M" sa kanyang mukha ang isa sa pinaka-simbolo ni Bishop. Ito ay nakuha niya sa future, kung saan ang mga mutant ay nilalagyan ng markang "M" upang madaling maihiwalay sa mga tao. Ang ilan sa mga kakayahang mutant ni Bishop ay ang ang pag-higop ng enerhiya at ang lagpas taong lakas.

Saturday, January 26, 2013

Ang Santo na Nagtatag ng Madaming Bayan sa Luzon

Alam niyo ba na isang santo ang nagtatag sa maraming bayan sa Luzon?

Si San Pedro Bautista ay isa sa dalawampu't anim na martir na Pransiskano sa sinaunang Japan na pinatay noong ika-5 ng Pebrero, 1597. Noong mga panahon na iyon, ipinagbabawal sa Japan ang Kristyanismo sapagkat naniniwala sila na ito ay banta sa kanilang bansa at mamamayan. Ang dalawampu't anim na martir, kabilang na si San Pedro Bautista, ay pinako sa krus at pinagsisibat. Ika-8 ng Hunyo, ang mga Banal na Martir ay kinanonisa ni Pope Pius IX.

Ngunit bago makarating sa Japan si San Pedro, siya ay isa nang tanyag na pari sa katedral sa Toledo, Spain at nagturo din ng Pilosopiya sa bayan ng Merida. Dumating siya sa Pilipinas taong 1584 at kabilang isa ika-apat na grupo ng mga misyonaryong Pransiskano. Dahil sa kanyang angkang galing at hilig sa musika, ang kanyang unang gampanin sa Pilipinas ay ang magturo ng musika at awitin sa bayan ng Namayan, ang dating pangalan ng Santa Ana, Manila. Noong 1586, siya ay naging kura paroko ng bayan ng Lumban, Laguna.

Kilala sa Pilipinas bilang Fray Pedro Bautista y Belasquez, siya ay iniluklok bilang Custos, o ang pinuno ng lahat ng misyonaryong Pransiskano sa Pilipinas. Ang lahat ng prayle na hawak niya ay nagsimulang mangaral mula sa mga lalawigan ng Bulacan hanggang sa lalawigan ng Sorsogon. At upang makapangaral ng Kristyanismo ng mas maayos, tinawag niya ang mga taong mga naninirahan sa mga gubat ng Morong. Dito niya sinimulan ang pagtatatag ng mga bayan, at nauna na nga niyang itinatag ang bayan ng Morong. Morong din ang dating tawag sa ngayo'y lalawigan ng Rizal.

Maliban sa bayan ng Morong, itinatag din niya ang mga sumusunod na bayan sa Luzon:
  • Mga bayan sa Camarines - ang dating pangalan ng Camarines Norte at Camarines Sur
    • Quipayo - ngayo'y Calabanga, Camarines Sur
    • Cagsawa - dating bayan, nawasak sanhi ng pagputok ng Bulkang Mayon noong ika-1 ng Pebrero, 1814. Ngayo'y matatagpuan sa Daraga, Albay.
    Litratong kuha noong 1928, ang nadurog na simbahan ng Cagsawa. Makikita rin sa larawang ito ang Bulkang Mayon.
    • Baao - ngayo'y Baao, Camarines Sur
    • Oas - ngayo'y Oas, Albay
    • Libmanan - ngayo'y Libmanan, Camarines Sur
    • Buhi - ngayo'y Buhi, Camarines Sur
  • Mga bayan sa Laguna
    • Tanay - ngayo'y Tanay, Rizal
    • Baras - ngayo'y Baras, Rizal
    • Longos - ngayo'y Kalayaan, Laguna
    • Paquil - ngayo'y Pakil, Laguna
  • Isang bayan sa Bulacan
    • Catanghalan - naging Polo, Bulacan at ngayo'y Lungsod ng Valenzuela
  • Isang bayan sa Maynila - dating lalawigan at ngayo'y lungsod at kabisera ng bansa.
    • San Francisco del Monte - isang bayan sa dating lalawigan ng Maynila at ngayo'y mas kilala bilang San Francisco del Monte, Lungsod ng Quezon.
Maliban sa mga bayan, isa din si San Pedro Bautista sa nagtatag sa mga sumusunod:
  • Mga simbahan at kumbento
    • Kumbento sa bayan ng Lumban, Laguna
    • Kumbento sa San Francisco del Monte, Manila
    • Simbahan ng Quiapo, Manila
    • Kumbento sa Meycauayan, Bulacan
    • Kumbento sa Calilaya, Tayabas, ngayo'y Unisan, Lalawigan ng Quezon.
  • Mga ospital
    •  Holy Waters Hospital sa lalawigan ng Laguna - ang pagkakatatag ng ospital na ito ay dahil sa pagkakadiskubre ni San Pedro sa maiinit na bukal ng bayan ng Mainit. Ang bayan ng Mainit ay kilala ngayon bilang Los Baños, Laguna. Natupok ng apoy ang ospital na ito noong 1727.
    • Holy Spirit Hospital sa lalawigan ng Cavite - itinatag para sa mga marino at sa mga trabahador ng pier. Isa ito sa mga winasak ng piratang Tsino na si Kuesing (o Koxinga) noong 1662.
  • Eskwelahan
    • Colegio de Santa Potenciana - ang unang eskwelahang pambabae ng Pilipinas noong 1591. Nang bumaba ang bilang ng mga estudyanteng nag-aaral dito, inilipat ang mga estudyante sa Colegio de Santa Isabel at tuluyang isinara ang eskwelahan. Ang gusali ng eskwelahan ay ang naging opisyal na palasyo ng gobernador heneral bago lumipat sa palasyo ng Malacañang.


Ang kapistahan ni San Pedro Bautista ay tuwing ika-6 ng Pebrero.

Saturday, January 12, 2013

Ang Parokya ng Quiapo at ang Itim na Nazareno

Alam niyo ba na ang banal na patron ng distrito ng Quiapo sa Lungsod ng Maynila ay si San Juan Bautista at hindi ang Hesus Nazareno?

Ang simbahan ng Quiapo ay halos kasingtanda na din ng distrito at binuo mula sa mga simpleng panangkap gaya ng mga kawayan at nipa. Mula noong ito ay kapilya pa lamang, ang parokya ng Quiapo ay inialay na at ipinangalan sa banal na San Juan Bautista. Isa sa mga nagtatag ng simbahan ng Quiapo ay si San Pedro Bautista, isang misyonaryong Pransiskano at isa sa dalawampu't anim na martir at pinatay sa sinaunang bansang Japan.

Ang simbahan ng Quiapo ay madalas na dinadagsa ng mga deboto tuwing Pista ng Nazareno buwan ng Enero at tuwing araw ng Biyernes para sa mga namamanata. 

Sa kabilang dako ng mundo, isang galyon mula sa Acapulco, Mexico, ang naglayag papunta sa Maynila dala ang dalawang imahe ng Hesus Nazareno. Sa simula, maputi ang balat ng mga imahe ng Nazareno na inukit ng hindi pa nakikilalang Mehikanong iskultor. Sa haba ng biyahe, sinasabing nasunugan ang barko habang nasa kalagitnaan ng karagatan. Pinaniniwalaan na milagrosong nailigtas ang galyon, ang mga taong sakay nito at ang mga imahe na umitim dahil sa sunog. Nakarating sa daungan ng Maynila ang galyon at dinala ng mga paring Rekoleto sa dalawang parokya ang dalawang Itim na Nazareno: ang parokya ni San Nicolas de Tolentino sa Bagumbayan, at ang parokya ni San Juan Bautista sa Quiapo. Nang nasira ang parokya sa Bagumbayan, ang Itim na Nazareno nito ay inilipat sa Intramuros.

Ilang beses na din nasira ang simbahan ng Quiapo. Noong 1639, ito ay nasunog ngunit binuo muli at pinatatag. Isang malakas na lindol naman ang nakawasak dito noong 1863. Binuo muli ang simbahan ng Quiapo noong 1899. Noong ika-30 ng Nobyembre, 1928, nasunog muli ang simbahan ng Quiapo ngunit ipinaayos ni Juan Nakpil, isang arkitekto.

Noong 1650, pinasinayaan ni Pope Innocent X ang veneration ng Itim na Nazareno bilang isa sa mga sacramental ng Simbahang Katolika. Ang sacramental ay isang bagay na itinuturing na banal ng mga Katoliko upang makapagbigay respeto sa mga sakramento at mapatatag pa ang pananampalataya. Ang ilan sa mga halimbawa nito ay ang rosaryo, krus at ang Holy Water.

Pope Innocent X, dibuho ni Diego Velasquez


Binigyan din ni Pope Innocent X ng pahintulot ang Cofradia de Nuestro Santo Jesus Nazareno, isang grupo ng mga relihiyosong Pilipino at deboto ng Itim na Nazareno. Ito ang mga panahon na ipinagbabawal pa na maging pari ang mga Pilipino ngunit pinapayagan namang bumuo ng cofradia o confraternity.

Noong 1880, binigyan ni Pope Pius VII ang imahe ng kanyang basbas, ang apostolic blessing, kung saan sinasabi na ang sumampalataya sa Panginoon sa pamamagitan ng Itim na Nazareno ay magkakaroon ng plenary indulgence, kung saan ang mga parusa para sa mga venial sins ay mawawala.

Ikalawang Digmaang Pandaigdigan, 1945, binomba ng mga Hapones ang Maynila. Sa kasamaang palad, nasira ang imahe ng Itim na Nazareno na nasa Intramuros. Ngunit milagrosong nakaligtas ang imahe na nasa simbahan ng Quiapo. Sa ilang beses na nasira at binuong muli ang simbahan ng Quiapo, hindi nasira ang imahe ng Itim na Nazareno dito, dahilan upang lalong sumikat ito sa mga deboto at pinaniniwalaang milagroso.

Taong 1984, pinalaki ang simbahan ng Quiapo upang mapagsilbihan ng mas maayos ang milyon-milyong deboto ng Itim na Nazareno. Noong 1988, pinangunahan ni Jaime Cardinal Sin ang pagbabasbas sa simbahan ng Quiapo, ang parokya ni San Juan Bautista, bilang isang minor basilica. Ngayon ito ay tinatawag na Minor Basilica of the Black Nazarene, ngunit kinikilala pa din ito bilang St. John the Baptist Parish.