Alam niyo ba na isang santo ang nagtatag sa maraming bayan sa Luzon?
Si San Pedro Bautista ay isa sa dalawampu't anim na martir na Pransiskano sa sinaunang Japan na pinatay noong ika-5 ng Pebrero, 1597. Noong mga panahon na iyon, ipinagbabawal sa Japan ang Kristyanismo sapagkat naniniwala sila na ito ay banta sa kanilang bansa at mamamayan. Ang dalawampu't anim na martir, kabilang na si San Pedro Bautista, ay pinako sa krus at pinagsisibat. Ika-8 ng Hunyo, ang mga Banal na Martir ay kinanonisa ni Pope Pius IX.
Ngunit bago makarating sa Japan si San Pedro, siya ay isa nang tanyag na pari sa katedral sa Toledo, Spain at nagturo din ng Pilosopiya sa bayan ng Merida. Dumating siya sa Pilipinas taong 1584 at kabilang isa ika-apat na grupo ng mga misyonaryong Pransiskano. Dahil sa kanyang angkang galing at hilig sa musika, ang kanyang unang gampanin sa Pilipinas ay ang magturo ng musika at awitin sa bayan ng Namayan, ang dating pangalan ng Santa Ana, Manila. Noong 1586, siya ay naging kura paroko ng bayan ng Lumban, Laguna.
Kilala sa Pilipinas bilang Fray Pedro Bautista y Belasquez, siya ay iniluklok bilang Custos, o ang pinuno ng lahat ng misyonaryong Pransiskano sa Pilipinas. Ang lahat ng prayle na hawak niya ay nagsimulang mangaral mula sa mga lalawigan ng Bulacan hanggang sa lalawigan ng Sorsogon. At upang makapangaral ng Kristyanismo ng mas maayos, tinawag niya ang mga taong mga naninirahan sa mga gubat ng Morong. Dito niya sinimulan ang pagtatatag ng mga bayan, at nauna na nga niyang itinatag ang bayan ng Morong. Morong din ang dating tawag sa ngayo'y lalawigan ng Rizal.
Maliban sa bayan ng Morong, itinatag din niya ang mga sumusunod na bayan sa Luzon:
- Mga bayan sa Camarines - ang dating pangalan ng Camarines Norte at Camarines Sur
- Quipayo - ngayo'y Calabanga, Camarines Sur
- Cagsawa - dating bayan, nawasak sanhi ng pagputok ng Bulkang Mayon noong ika-1 ng Pebrero, 1814. Ngayo'y matatagpuan sa Daraga, Albay.
- Baao - ngayo'y Baao, Camarines Sur
- Oas - ngayo'y Oas, Albay
- Libmanan - ngayo'y Libmanan, Camarines Sur
- Buhi - ngayo'y Buhi, Camarines Sur
- Mga bayan sa Laguna
- Tanay - ngayo'y Tanay, Rizal
- Baras - ngayo'y Baras, Rizal
- Longos - ngayo'y Kalayaan, Laguna
- Paquil - ngayo'y Pakil, Laguna
- Isang bayan sa Bulacan
- Catanghalan - naging Polo, Bulacan at ngayo'y Lungsod ng Valenzuela
- Isang bayan sa Maynila - dating lalawigan at ngayo'y lungsod at kabisera ng bansa.
- San Francisco del Monte - isang bayan sa dating lalawigan ng Maynila at ngayo'y mas kilala bilang San Francisco del Monte, Lungsod ng Quezon.
Litratong kuha noong 1928, ang nadurog na simbahan ng Cagsawa. Makikita rin sa larawang ito ang Bulkang Mayon. |
Maliban sa mga bayan, isa din si San Pedro Bautista sa nagtatag sa mga sumusunod:
- Mga simbahan at kumbento
- Kumbento sa bayan ng Lumban, Laguna
- Kumbento sa San Francisco del Monte, Manila
- Simbahan ng Quiapo, Manila
- Kumbento sa Meycauayan, Bulacan
- Kumbento sa Calilaya, Tayabas, ngayo'y Unisan, Lalawigan ng Quezon.
- Mga ospital
- Holy Waters Hospital sa lalawigan ng Laguna - ang pagkakatatag ng ospital na ito ay dahil sa pagkakadiskubre ni San Pedro sa maiinit na bukal ng bayan ng Mainit. Ang bayan ng Mainit ay kilala ngayon bilang Los Baños, Laguna. Natupok ng apoy ang ospital na ito noong 1727.
- Holy Spirit Hospital sa lalawigan ng Cavite - itinatag para sa mga marino at sa mga trabahador ng pier. Isa ito sa mga winasak ng piratang Tsino na si Kuesing (o Koxinga) noong 1662.
- Eskwelahan
- Colegio de Santa Potenciana - ang unang eskwelahang pambabae ng Pilipinas noong 1591. Nang bumaba ang bilang ng mga estudyanteng nag-aaral dito, inilipat ang mga estudyante sa Colegio de Santa Isabel at tuluyang isinara ang eskwelahan. Ang gusali ng eskwelahan ay ang naging opisyal na palasyo ng gobernador heneral bago lumipat sa palasyo ng Malacañang.
Ang kapistahan ni San Pedro Bautista ay tuwing ika-6 ng Pebrero.