Translate

Saturday, February 23, 2013

Ang Star Trek at ang mga Dagat ng Pilipinas

Alam niyo ba na isa sa mga pangunahing bida ng Star Trek ay ipinangalan sa Sulu Sea?

Si Hikaru Sulu ay "ipinanganak" sa San Francisco, California "noong" June 24, 2230. Sinasabing siya ay may lahing Hapones at unang nagsilbi bilang third officer at senior helmsman sa USS Enterprise at sa USS Enterprise-A na may ranggong tenyente o lieutenant. Siya ay na-promote bilang lieutenant commander at hindi katagalan ay naging commander din. Na-promote muli siya at naging kapitan o captain ng USS Excelsior.


Ang unang gumanap bilang Hikaru Sulu ay ang aktor na si George Takei. Ayon kay Takei, ang apelyidong Sulu ay hinango mula sa Sulu Sea. Ito ay hinango ni Gene Rodenberry, ang lumikha ng Star Trek, sa Sulu Sea upang kumatawan sa lahat ng mga Asyano. Ayon kay Takei, ayaw ni Rodenberry na kumuha ng isang apelyidong partikular sa isang bansa sa Asya. Gusto niya kasing mailarawan ni Hikaru Sulu ang mga Asyano sa Star Trek. Kaya, kinuha ni Rodenberry ang isang mapa at doon niya nakita ang Dagat ng Sulu, sa paniniwalang lahat ng pampang nito ay nakadikit sa lahat o sa karamihan ng bansa sa Asya.

Ang rebelasyong ito ni Takei ay bunga dahil sa pagkabahala ng direktor ng bagong pelikula ng Star Trek na si JJ Abrams na ilagay si John Cho, isang Korean-American na artista, at gumanap bilang isang Hapones. At dahil sa pagtitiyak ni Takei, si Cho na ang bagong artista na gumanap bilang si Hikaru Sulu sa mga bagong pelikula ng Star Trek, noong 2009 at ang Star Trek Into Darkness ng 2013. 


Ang Dagat ng Sulu ay matatagpuan sa timog kanlurang bahagi ng Pilipinas, na napapaligiran ng probinsya ng Palawan sa hilagang kanluran, rehiyon ng Visayas sa hilagang silangan, probinsya ng Sulu sa timog silangan at isla ng Borneo sa timog kanluran.

Maliban sa Dagat ng Sulu, isa pang dagat ng Pilipinas ang ginamit bilang pangalan sa Star Trek universe. Ang Golpo ng Leyte ay ginamit din sa prangkisa ng Star Trek bilang pangalan ng isa sa mga Starfleet ship nito, ang  USS Leyte Gulf (NCC-71427), Akira class, na pinamumunuan ni Capt. Aaron Juraj sa Star Trek: Away Team, isang laro na hinango sa Star Trek. Sa istorya, ang USS Leyte Gulf ang unang Starfleet ship na naimpeksyon ng mga Nanites, mga maliliit na robot.

Saturday, February 9, 2013

Si Bishop at ang Pinoy Creator nito

Alam niyo ba na isang Pinoy ang isa sa mga lumikha ng isa sa mga pinakasikat na X-Men character, na si Bishop?


Si Whilce Portacio ay pinanganak sa Cavite ngunit lumaki at tumira sa Amerika. Sa murang edad, nakahiligan na ni Portacio ang pagbabasa ng komiks. Nagsimula ito nang itatapon na sana ng kanilang kapitbahay ang mga koleksyong komiks ng kanyang asawa. Dito na nakilala ni Portacio ang mga likha ni Jack Kirby at Neal Adams, dalawang taong naging impluwensya ni Portacio sa kanyang sining. Si Kirby lang naman ang isa sa lumikha sa Fantastic Four, Captain America, Avengers at marami pang iba. Si Adams naman ay kilala sa mga kontribusyon niya sa mga komiks ng Batman, X-Men, Green Lantern, Green Arrow at marami pang iba.

Ang mala-alamat na si Whilce Portacio
Si Bishop ay isang mutant na nagmula sa future, at naglakbay papunta sa kasalukuyang panahon upang habulin ang isang kriminal na mutant na nagmula din sa future, si Trevor Fitzroy, likha din ni Portacio. Dito na siya nakaanib sa X-Men. Sa future, siya ay isang ulila at kinupkop ni Witness, a.k.a. LeBeau, na kilala sa kasalukuyang panahon bilang Gambit. Bilang miyembro ng X-Men sa pangkasalukuyang panahon, siya naman ay nasa pangunguna ni Storm at di kalaunan ay naging personal na bodyguard ni Professor X.

Si Bishop ay isa sa mga miyembro ng X-Men. Ngunit di katulad ng ibang miyembro, siya ay nagmula sa  future. Litrato mula sa http://thefirstruleoffilmclub.wordpress.com
Ang "M" sa kanyang mukha ang isa sa pinaka-simbolo ni Bishop. Ito ay nakuha niya sa future, kung saan ang mga mutant ay nilalagyan ng markang "M" upang madaling maihiwalay sa mga tao. Ang ilan sa mga kakayahang mutant ni Bishop ay ang ang pag-higop ng enerhiya at ang lagpas taong lakas.